Bahai-Faith.org – Pilipino
“ANG KAGALINGAN NG SANGKATAUHAN, ANG KAPAYAPAAN AT KALIGTASAN NITO AY DI-MATATAMO MALIBAN LAMANG AT HANGGANG ANG PAGKAKAISA NITO AY MATIBAY NA NAITATAG.”1
-Bahá’u’lláh-
Si Bahá’u’lláh ay ang Propetang-Tagapagtatag ng Pananampalatayang Bahá’í, ang pinaka-bagong malayang pandaigdig na pananampalataya. Mahigit na 6 na milyun ang mga tagasunod nito sa mahigit na 235 mga bansa at mga teritoryo.
Ano ang Pananampalatayang Bahá’í?
“Itinataguyod ng Pananampalatayang Bahá’í ang kaisahan ng Diyos, kinikilala ang kaisahan ng Kanyang mga Propeta, at itinuturo ang alituntunin ng kaisahan at kabuuan ng kalahatan ng lahi ng tao. Ipinapahayag nito ang pangangailangan at ang di-maiiwasang pagkakaisa ng sangkatauhan.”2
Sino si Bahá’u’lláh?
Si Bahá’u’lláh ay ang Sugo ng Diyos para sa panahong ito at ang Siya Na Ipinangako ng lahat ng mga pananampalataya. Nagdusa Siya ng 40 taon sa piitan at ipinatapon mula sa Tihrán sa Iran patungo sa Constantinople/Istanbul sa Turkey at sa Adrianople/Edirne sa Turkey hanggang sa ‘Akká sa Banal na Lupain (Photo), na kung saan Siya ay yumao noong 1892 (Photo). “Ang Luwalhati ng Diyos” ang kahulugan ng ngalang Bahá’u’lláh.
“Ito ang Araw na kung kailan masisilayan ng sangkatauhan ang Mukha, at madirinig ang Tinig Niya Na Ipinangako … Tunay na dakila ang Araw na ito! Ang mga pahiwatig dito na ibinigay sa lahat ng mga sagradong Kasulatan bilang Araw ng Diyos ay sumasaksi sa kadakilaan nito. Ang kaluluwa ng bawa’t Propeta ng Diyos, ng bawa’t Banal na Sugo, ay nauhaw sa kamangha-manghang Araw na ito.”3
Ang Báb ay ang Tagapag-una ni Bahá’u’lláh. Siya ang Sugo ng Diyos na naghanda sa mga tao sa pagdating ni Bahá’u’lláh. Ipinahayag Niya ang Kanyang Misyon noong 1844 sa Shíráz sa Iran (Photo). Pagkalipas ng anim na taong pagdurusa at pagkakulong, Siya ay pinatay dahil sa panamanpalataya (Photo). Ang Kanyang mga tagasunod ay inusig at mahigit sa 20,000 ang pinatay. Ang katagang Báb ay nangangahulugang “Ang Pinto”.
Si ‘Abdu’l-Bahá (Photo), ang panganay na anak na lalaki ni Bahá’u’lláh, ay ang Huwaran ng mga Turo ni Bahá’u’lláh at ang hinirang na tanging Tagapagpaliwanag ng Kanyang mga Kasulatan. Nagdusa rin Siya sa piling ni Bahá’u’lláh sa piitan. “Tagapaglingkod ng Diyos” ang kahulugan ng ‘Abdu’l-Bahá.
Ano ang mga turo ng Pananampalatayang Bahá’í?
Kaisahan ng Diyos
“Hindi maaaring magkaroon ng anumang pag-aalinlangan na ang mga tao ng daigdig, ng anumang lahi o pananampalataya, ay tumatamo ng kanilang inspirasyon mula sa iisang makalangit na Pinagmumulan, at [sila’y] mga alagad ng iisang Diyos.”4
Kaisahan ng Pananampalataya
“Ang layunin ng pananampalataya tulad ng ipinahayag mula sa langit ng banal na Kalooban ng Diyos ay ang itatag ang pagkakaisa at pagkakasundo ng mga tao ng daigdig.”5
“Ang bawat Banal na Paghahayag ay ipinadala sa pamamaraang sang-ayon sa mga kalagayan ng panahong dinatnan nito.”6
“Alamin nang tiyakan na sa bawat Panahon ng Pananampalataya ang liwanag ng Banal na Paghahayag ay ipinagkaloob sa mga tao na tahasang kasukat ng kanilang espiritwal na kakayahan.”7
“Alamin ng tiyakan na ang diwa ng lahat ng Propeta ng Diyos ay iisa at pareho. Ang kaisahan Nila ay ganap. Sinabi ng Diyos, ang Tagapaglikha na: Walang anumang pagkakaiba sa mga Nagtataglay ng Aking Kalatas.”8
Kaisahan ng Sangkatauhan
“O mga Anak ng Tao! Hindi ba ninyo alam kung bakit Namin kayo inilikha mula sa iisang alabok? Upang wala sinoman sa inyo ang magpapataas sa kanyang sarili na higit sa iba … Yamang nilikha Namin kayo mula sa iisang sangkap ay nararapat sa inyo ang maging katulad ng iisang kaluluwa … nang mula sa kaibuturan ng inyong katauhan, sa pamamagitan ng inyong mga gawa at kilos, ang mga palatandaan ng pagkakaisa at ang diwa ng pagkahiwalay ay mangyaring maipakilala.”9
“Kayong lahat ay mga dahon ng iisang puno at mga patak ng iisang karagatan.”10
“Maging tulad ng mga daliri ng iisang kamay, mga bahagi ng iisang katawan.”11
Ang Pananampalataya ay Dapat Na Maging Sanhi ng Pag-ibig at Pagmamahalan
“Dapat pagkaisahin ng relihiyon ang lahat ng mga puso at maging sanhi ng pagkaparam ng mga digmaan at mga pag-aaway sa balat ng lupa, maging dahilan ng pagsilang sa pagiging espiritwal, at maghatid ng buhay at liwanag sa bawat puso. Kung ang pananampalataya ang magiging sanhi ng pagkamuhi, pagkapoot at hidwaan, higit na mabuti pang wala na lamang nito, at ang paglayo mula sa ganitong pananampalataya ay magiging isang tunay na relihiyosong gawain.”12
Ang Pagwawaksi ng mga Paniniwalang Walang Batayan
“…ang mga paniniwalang walang batayan tungkol sa pananampalataya, lahi, bansa at politika, ang lahat ay winawasak ang saligan ng lipunan ng tao, ang lahat ay tumutungo sa pagdanak ng dugo, ang lahat ay nagbubunton ng kapahamakan sa sangkatauhan. Habang nananatili ang mga ito, ang takot na magkakaroon ng digmaan ay magpapatuloy.”13
Ang Layunin ng Buhay
“Ang lahat ng tao ay nilikha upang isulong ang isang patuloy na umuunlad na kabihasnan … Ang umasal ng tulad ng mga hayop sa parang ay di-karapat-dapat sa tao. Yaong mga kabutihang angkop sa kanyang karangalan ay ang tiyaga, habag, malasakit at mapagmahal na kagandahang-loob tungo sa lahat ng mga tao at mga kamag-anakan ng daigdig.”14
Ang Natatagong Kakayahan ng Tao at ang Kahalagahan ng Edukasyon
“Ituring ang tao na tulad ng isang minahan na mayaman sa mga hiyas na hindi matatasahan ang halaga. Pawang ang edukasyon lamang ang maaaring makapagpalabas ng mga kayamanan nito, at tulutang makinabang ang sangkatauhan mula rito.”15
Eduaksyon ng sarili
“Paano mo nagawang limutin ang sarili mong mga pagkukulang at maging abala sa mga pagkukulang ng iba? … huwag palakihin ang mga pagkukulang ng mga iba upang sa ganoon ang sarili mong mga pagkukulang ay hindi magmukhang malaki.”16
“Ang mga banal na Kahayagan ng Diyos ay ipinadala upang gawing hayag ang kaisahan ng sangkatauhan. Dahil dito ay nagbata Sila ng di-mabilang na mga kahirapan at pighati, upang sa ganoon ang isang pamayanan mula sa magkakaibang mga lahi ng sangkatauhan ay matipon sa lilim ng Salita ng Diyos at mamuhay nang nagkakaisa, at maipakita sa daigdig, nang magiliw at marangal, ang kaisahan ng sangkatauhan.”17
Nagpahayag si Bahá’u’lláh ng mga espiritwal at mga panlipunang turo at mga batas na kinakailangan ng sangkatauhan upang malutas ang mga suliranin ng panahong ito. Walang mga pari sa pamayanang Bahá’í. Sa halip ay mayroong mga institusyon sa lokal, pambansa at pandaigdigang mga antas, na ang bawat isa ay binubuo ng siyam na Bahá’í na nahalal.
Kung sa puso mo ay sumasang-ayon ka sa binasa mo, maaari mong ituring ang iyong sarili na isang Bahá’í at maaari kang makipag-ugnayan sa pamilya ng mga Bahá’í na sumasaklaw sa daigdig (Contacts).
Ilang piling mga Sipi
“Saksi ako, O aking Diyos, na nilikha Mo ako upang makilala Ka at sambahin Ka. Sumasaksi ako, sa sandaling ito, sa aking kawalan ng kakayahan at sa Iyong kapangyarihan, sa aking karukhaan at sa Iyong kayamanan. Walang ibang Diyos maliban sa Iyo, ang Tulong sa Panganib, ang Sariling-Ganap.”18
“Ilubog ang inyong mga sarili sa karagatan ng Aking mga salita, upang sa ganoon ay malutas ninyo ang mga lihim nito, at matuklasan ang lahat ng mga perlas ng dunong na natatago sa kanyang mga kalaliman. Mag-ingat na hindi kayo mag-atubili sa inyong pagtitika na tanggapin ang katotohanan ng Pananampalatayang ito.”19
“Usalin ninyo ang mga taludtod ng Diyos tuwing umaga at gabi.”20
“Sinoman ang umusal, sa sarili niyang silid, ng mga taludtod na ipinahayag ng Diyos, ang tagasabog na mga anghel ng Makapangyarihan sa Lahat ay magkakalat sa ibayo ng halimuyak ng mga salitang binigkas ng kanyang bibig, at magiging sanhi ng pagtibok ng puso ng bawat makatarungang tao. Bagaman sa simula ay maaaring manatili siyang di-nakababatid sa bisa nito, gayumpaman ang kabutihan ng biyayang ipinagkaloob sa kanya, kaagad man o sa dakong huli, ay magkakabisa sa kanyang kaluluwa.”21
Mga talababa ng Homepage
1 Bahá’u’lláh, isinalin mula sa “Gleanings” CXXXI
2 Shoghi Effendi, isinalin mula sa “Call to the Nations”, p. XII
3 Bahá’u’lláh, isinalin mula sa “Gleanings” VII
4 Bahá’u’lláh, isinalin mula sa “Gleanings” CXI
5 Bahá’u’lláh, isinalin mula sa “Tablets of Bahá’u’lláh”, p. 129
6 Bahá’u’lláh, isinalin mula sa “Gleanings” XXXIV
7 Bahá’u’lláh, isinalin mula sa “Gleanings” XXXVIII
8 Bahá’u’lláh, isinalin mula sa “Gleanings” XXXIV
9 Bahá’u’lláh, Natatagong Mga Salita, A 68
10 Bahá’u’lláh, isinalin mula sa “Tablets of Bahá’u’lláh”, p. 27
11 Bahá’u’lláh, isinalin mula sa “Gleanings” LXXII
12 ‘Abdu’l-Bahá, Mga Pagsasalita sa Paris, p. 116
13 ‘Abdu’l-Bahá, isinalin mula sa “Bahá’u’lláh and the New Era”, p. 246
14 Bahá’u’lláh, isinalin mula sa “Gleanings” CIX
15 Bahá’u’lláh, isinalin mula sa “Gleanings” CXXII
16 Bahá’u’lláh, Natatagong Mga Salita, A 26 and P 44
17 ‘Abdu’l-Bahá, isinalin mula sa “Selections of the Writings of ‘Abdu’l-Bahá”, p. 278
18 Bahá’u’lláh, Mga Dalanging Bahá’í, p. 4
19 Bahá’u’lláh, isinalin mula sa “Gleanings” LXX
20 Bahá’u’lláh, isinalin mula sa “Deepening”, p. 1
21 Bahá’u’lláh, isinalin mula sa “Gleanings” CXXXVI